Sunday, July 25, 2010

Sa panahon ng unang atake ko sa gout ang aking lolo ay nagsisimula nang humihina. Dumating ang July ng 2009 ng matapos ang birthday ng nanay ko ilang araw lang nakalipas ang lolo ko ay lumisan na sabay na ako ay inatake ng aking gout na halos hindi na ako makalakad ng maayos. Kinailangan ko na magtungkod para lang makatayo at makapunta sa kubeta. Kinailangan ko na ding mag call and sick sa trabaho. Parang gumuguho ang mundo ko. Hirap, sakit ng gout at lungkot sa pagkawala ng nagpalaki saakin. Dumating ang pasko kulang na kami at kailangan pa magtrabaho. Dumating ang 2010 bagong taon trabaho pa din para makauwi. Dumating ang May 2010 ng ako ay makauwi sa Pilipinas at hinatid namin ang abo ni lolo sa huling request niya na sa tabi ng kanyang mga magulang. Naaalala ko pa nung malakas pa siya lagi niya kinekwento yung mga nangyari sa buhay niya, lagi ko pa siya binibiro noon kung paano siya nakipaglaban nung panahon ng ikalawang digmaan sa Pilipinas. May din ng 2010 ng kami ay muling nagkasama ng aking maybahay. Kain kami dito kain doon, pasyal lagi sa sm, punta dito punta dun, swimming sa dagat at sa pool. Masaya nanaman ang buhay walang sakit na nararamdan sa katawan puro enjoy lang. Lumipas ang mga araw dumating nanaman ang desisyon na kailangan kong bumalik at magtrabaho, ngunit pag balik ko sa aking trabaho, sakit ng ulo at perwisyo ang inabot ko agad sumabay pa ang aming tinitirhan na kailangan na naming maglipat dahil wala na kaming basurahan at kami na lang ang nakatira sa apartment. Sabi ko sa sarili ko eto nanaman ako sa sitwasyon na ito na balik sa simula, walang ipon, naghahanap ng malilipatan, kahit na magulo sa trabaho kailangan ko tiisin kahit kulang ang bayad dahil sa matinding pangangailangan.

Tuesday, July 20, 2010

2007 ako ay naka istasyon na sa W Hotel bilang isa pa din valet. Medyo gumanda ganda ang sitwasyon, marami kang taong nakikilala at nakikita, ngunit hindi pa din ako nakakauwi sa Pilipinas at medyo matagal tagal na kaming hindi nagkikita ng aking girlfriend puro sa computer lang. Lumilipas ang mga araw gumanda ang kita. dumating nanaman ang pasko at bagong taon na ako ay nasa trabaho, pinipilit ko makaipon para ako ay makauwi sa taong 2008. Dumating ang May ng 2008 ako ay nagkaroon ng isang linggong bakasyon ngunit ako ay nagpaalam sa aking boss na kung pwede ay payagan niya ako magbakasyon ng tatlong linggo dahil ako ay magpapakasal. Sa aking paguwi kami ay nagpakasal ng aking girlfriend. Akala ko eh magiging ok ang lahat ngunit pagalis ko eh iba na ang aking pakiramdam, bakit parang ayaw ko na bumalik sa america? Hindi matumbasan ng pera ang aking kasiyahan pag ako ay nasa sariling bansa at kasama ko ang mga mahal ko sa buhay. Sapilitan, masama man sa loob ko umalis ulit ako at bumalik sa trabaho bilang valet pa din sa W Hotel. Taong 2008 ng December nagfile ako ng petition para sa aking misis na makarating dito. 2009 muli akong napagbigayn makauwi, ngunit napansin ko eh na ang tingin na saakin ng karamihan eh\h mayaman, madaming pera. Ang hindi lang nila alam ang hirap at lungkot na pinagdadaanan ko sa araw araw na buhay ko sa bansang America pamasahe pa lang mauubos na ang ipon mo kaya karamihan ay ilang taon nang hindi nakakauwi. Katulad ng mga kaibigan at katrabaho kong mga Pinoy, isang taong pagiipon isang buwang kasiyahan lang ang katumbas sa simpleng pagkain mo ng fishball at lugaw sa kanto o pagbili ng pandesal sa umaga at pakikipag kwentuhan sa labas, kahit mainit ang panahon iba talaga ang saya at pakiramdam pag nasa Pilipinas ka. Karanasan habang bagsak ang Amerika, hirap ng sitwasyon ng bumagsak ang Amerika madami ang nawalan ng trabaho isa na ang aking tiyahin na katulong ko sa pagbayad ng mga kailangan bayaran. Taong 2009 ng mga August, tinamaan ako ng gout sa aking paa ngunit kailangan pa din magtrabaho dahil sa bayarin at para makaipon ulit ng pang uwi sa 2010. Kailangan tiisin ang sakit na nararamdam at wag isipin ang sakit ng paa ngunit humantong sa talagang masakit na masakit na ngunit swerte nanaman dahil nangangailangan ang boss ko ng isang empleyado na tumao sa garahe namin bilang isang kahero at dahil sa aking sitwasyon ako ay nilagay doon sa loob ng garahe bilang taga singil lang ng bayad.

Friday, July 16, 2010

2005 unang beses ako tumungtong sa lupa ng America. First time ko din nakalabas ng bansang Pilipinas. Naiwan ko ang aking girl friend para subukan ang aking swerte. Sa loob ng isang buwan, pinasyal kami ng aming kamag-anak sa Yosemite ng isang araw na road trip at sight seeing. Ok naman maganda ang tanawin dinaan din kami sa golden gate bridge para makita namin ito. Lumipas ang mga araw dumating na ang aking SSS, lisensya at ID. Ako ay sumubok mag apply sa target isang  pamilihan sa mall ng Serramonte, ako ay natanggap bilang isang taga stock ng gamit sa likod at minsan sa mismong pamilihan at ang oras ng aking trabaho ay pang 10 ng gabi hanggang 6 ng umaga. Nagkaroon ako ng mga kaibigan minsan eh lalabas sa off para maglaro ng basketball. Tiis tiis kahit sobrang nakakalungkot dahil para ka lang nakakulong, nasa loob ka lang ng compound ng target at gabi gabi  malakas man ng hangin at hamog ako ay naglalakad lang papasok sa aking trabaho. Wala akong computer or cellphone kaya hindi kami masyado nakakapagusap ng aking girl friend ng mga panahon na yun, tyaga tyaga sa sulat lang ang aming communication. Lumipas ang mga panahon nakabili ako ng kotse, talagang pinagsikapan ko makabili ng kotse para makaiwas sa lamig sa gabi at hamog. Lumipas pa ang panahon eto na at malapit na ang pasko hindi ko na matiis ang lungkot sa trabaho ng gabi at parang wala ka na kasing buhay kundi matulog sa umaga pumasok sa gabi kaya napilitan na ako humanap ng ibang trabaho. Sa parehong taon, natanggap muli ako sa isang dealer ng sasakyan taga gas ng kotse, taga ayos ng parada, tagalinis ng garahe. Ok naman sana pero hindi ko din natiis at ako ay umalis din.

Taong 2006 muli ako natanggap sa EA sports game sa Redwood City bilang isang taga subok ng laro sa xbox na Godfather ngunit isang linggong trabaho lamang iyon. Masaya kasi naglalaro ka lang ng game at nagbibigay ng opinion sa mga taong gumawa nito at binabayaran ka libre na parking, libre pa miryenda sa hapon. Natapos ang aking trabaho dito at nagsimula nanaman ako humanap ng iba at sa hindi inaasahang pagkakataon niyaya ako ng aking dating katrabaho sa target na magapply kami sa SFO airport. Hindi ako masyado umasa dahil madami kaming nagapply ng mga panahon na yun pero talagang pinagpala ako at ako ay natanggap bilang isang baggage handler sa easy check in ng domestic flight. Masaya kasi madami akong taong nakikita, nakakausap at nakikilala na mga taga ibang lugar din. Kami ng girlfriend ko eh nagtatawagan lang, bumibili ako ng phonecard para makatawag sa kanya. Lumipas ang mga panahon at nagkaroon siya ng trabaho, ako naman ay nakabili ng computer kaya kada day off niya kami ay nakakapagchat sa YM. Kinukwento ko sa kanya ang buhay ko dito na mahirap, malungkot. Naalala ko pa na ang nanay ko isang buwan lang dito eh umiiyak, gusto na niya umuwi ang sabi ko lang sa kanya susubukan ko nandito na ako eh. Lumipas ang limang buwan ko sa trabaho at biglang nag layoff ang airport ng mga trabahador ngunit sa kabutihang palad ako ay nalipat sa baggage claim ngunit hindi ako gaanong nakatagal dito dalawang buwan lang ang makalipas ako ay naghanap ng trabaho at pinagpala na naman akong matanggap sa parking company naging isa akong valet sa isang mall na kung tawagin eh Bloomingdale. Makalipas ang ilang linggo ako ay humingi ng tulong sa aking Uncle na ipasok ako sa hotel na kanyang pinagtratrabahuan sa parehas na kumpanya, nagtrabaho ako ng dalawang linggo sa Grand Hyatt Hotel sa San Francisco bilang isang valet pa din, makalipas ang dalawang linggo nilipat naman ako sa W Hotel sa San Fransisco pa din na hanggang ngayon eh nandun pa din ako.
Related Posts with Thumbnails